Mag-lolo, sugatan sa salpukan ng truck at tricycle sa Quirino

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2017 02:41 AM

Courtesy Diffun PNP

DIFFUN, Quirino — Sugatan ang isang mag-lolo matapos makipagsalpukan ang sinasakyang tricycle sa elf truck sa bayang ito Biyernes ng hapon.

Isinugod sa ospital si Julito Tobias, 58, at ang 11 taong gulang niyang apo matapos mangyari ang aksidente sa highway ng Barangay Andres Bonifacio.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinundo ni Tobias ang kaniyang apo sa Barangay Villamarzo, bayan ng Cordon, Isabela, gamit ang tricycle. Nang pauwi na sa kanilang bahay ay um-overtake raw ito sa isang sasakyan at umagaw ng linya.

Hindi na umano nito napansin ang paparating na elf truck na minamameho naman ni Leonardo Dumanas, 40, mula bayan ng Solana, Cagayan.

Sa ngayon ay nagpapagaling na sa ospital ang mag-lolo. Nagtamo si Tobias ng gasgas sa iba't-ibang bahagi ng katawan. Bali naman ang buto sa kaliwang balikat at braso ng kanyang apo.

Ayon sa imbestigador na si PO2 Jermein Soriano nakainom si Tobias nang nagmaneho samantalang ang truck driver ay hindi.

Nakauwi na ang driver ng elf truck sa Solana dahil walang naisampang reklamo laban dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.