Lalaki patay nang gilitan ng kapatid ng live-in partner

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2017 06:23 PM

MANILA – Patay ang isang lalaki matapos gilitan ng kapatid ng kanyang live-in partner sa Santa Barbara Street, Barangay Gulod, Quezon City Sabado ng umaga dahil sa umano’y hindi pagkaka-intindihan na naa-ayon sa kanilang kultura bilang Maranao.

Ayon sa suspek na kinilala lang na si Asanulin, na galing pa ng Mindoro, susunduin niya sana ang kanyang kapatid na babae dito sa Maynila para iuwi sa kanilang probinsya.

Sa kanilang pagkikita, nakita niya na may kasamang lalaki sa iisang bahay ang kanyang kapatid na ayon sa mga kapitbahay nito ay nagsasama na ang dalawa bilang mag-asawa. 

Kinompronta niya ang lalaki na nakilalang si Sedi at tinanong ang kanilang totoong relasyon sapagkat taliwas sa kanilang pinaniniwalaa bilang Maranao ang gawain ng mag live-in partner, na kung saan ay dapat ipinakikilala at ipinaaalam muna sa magulang ang balak nito sa kanyang kapatid.

Nang aminin ni Sedi ang relasyon nito sa kanyang kapatid, nakiusap si Asanulin na kung maaari ay lumipat na muna ng tirahan sapagkat nilalabag nila ang kanilang kultura bilang Maranao. Doon nagka-sagutan ang dalawa na nauwi sa pagkasawi ng biktima.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na ikinwento ang buong pangyayari. 

Tumanggi namang magbigay ng panayam ang pulisya tungkol sa nasabing insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.