P1-M halaga ng ilegal na droga, nasabat sa Mindanao State U

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 05:42 PM

Nasabat ang 200 gramo ng hinihinalang shabu sa Mindanao State University sa Marawi City, Huwebes. ABS-CBN News

MARAWI—Nasabat ang nasa P1 milyong halaga ng ilegal na droga sa Mindanao State University sa lungsod na ito Huwebes.

Target ng buy-bust operation ang isang lalaki na dati na umanong minamanmanan ng Philippine Drug Enforcement Agency dahil sa pagkakasangkot nito sa kalakalan ng ilegal na droga sa Lanao del Sur at Iligan City.

Bigong mahuli ang main target na si alyas Marco Magayuong Cabugatan pero arestado ang kasamahan nito na nag-abot ng ilegal na droga sa agent na nagpanggap bilang buyer.

" 'Yung main target na kasama niya nakatunog, nakatakas, di na inabutan ng mga operatiba pero both sila ang kakasuhan si alyas Marco Magayuong Cabugatan. Na-monitor na kasi 'to na they are operating sa Marawi, Saguiran, Ganasi at kung minsan Iligan City,” ani Juvenal Azurin, regional director ng PDEA-ARMM.

Nakuha sa nahuling lalaki ang 2 malalaking pakete na may 200 gramo ng hinihinalang shabu.

"Nakuha 'yung trust nila and meron tayong napakitang pera. Gusto kasi agad nila 'yan ma-dispose, 'pag nakakita 'yan ng pera, dispose agad nila 'yan,” ani Azurin.

“Sila pa rin 'yung dati na ang o-operate d'yan, nag-lie low lang sila ng kaunti. Some went to NCR at now unti-unting bumabalik sa Marawi para mag-start ulit pero identified na sila.”

Patuloy ang imbestigasyon ng PDEA ukol sa pinanggagalingan ng droga.

"Inaalam natin kung saan talaga ang pinanggalingan ng drugs, kung stock sa city o sa NCR na pinadala through land navigation. Nagtutulong ang intel community para malaman. Baka nga galing pa ito sa na dismantled na laboratory sa Batangas at Malabon," dagdag ni Azurin.

Sa Lunes nakatakdang isampa sa korte sa Marawi ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa nahuling suspek at sa main target na nakatakas sa operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.