Mangingisdang 'tulak', arestado sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 01:19 PM

Nahuli ang suspek sa buy-bust operation sa mismong bahay nito sa Barangay Bayabas. Itinuring siyang high-value target matapos na makuhanan pa ng 60 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P300,000. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY – Isang mangingisda ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation sa mismong bahay nito sa Barangay Bayabas.

Ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng City Drug Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office ang operasyon kung saan unang nakabili sila ng isang pakete ng hinihinalang shabu sa 18-anyos na suspek.

Bukod sa P1,000 na marked money, narekober din mula sa suspek ang 4 pang malalaking sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 60 gramo at may street value na higit sa P300,000.

Dahil sa dami ng droga na nakuha sa kaniya, kinonsidera na siyang isang high-value target ng awtoridad.

"Wala siyang permanenteng trabaho pero isa siyang mangingisda dahil aniya may maliit siyang bangka. Sa tingin ko siguro ito 'yung pangunahin niyang pinagkakakitaan dahil sa dami ng droga na nakuha mula sa kaniya,” ayon kay Chief Inspector Mulat.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.