Sinalakay na 'drug lab,' gumagawa ng P125 milyong droga kada araw

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 08:59 PM

Arestado ang 4 Tsinong chemist, 5 Pinoy 'kasabwat' 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakagagawa umano ng 25 kilong ilegal na drogang maaaring umabot sa P125 milyon ang halaga sa "drug laboratory" na sinalakay sa Ibaan, Batangas nitong Huwebes, Abril 12, ng pinagsanib na puwersa ng iba't ibang ahensiya.

Sa ginawang pitong buwang surveillance at koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng National Narcotics Control Commission ng People's Republic of China, natukoy ang pagawaan ng droga sa liblib na parte ng bayan.

Mayroon pang panlansi o "front" ang laboratoryong aakalaing parte lang ng isang bukirin.

Sa operasyon nitong Huwebes ng mga operatiba ng PDEA, Philippine National Police (PNP) Calabarzon, at Armed Forces of the Philippines (AFP), tumambad ang mga container ng likido, mga tangke ng gasul, at ilang burner.

Mayroon pang tangkeng nilagyan ng mixer para sa paggawa ng ilegal na droga.

Ayon sa PDEA, gumagamit ng lokal at improvised na mga sangkap ang grupo para makabuo umano ng ilegal na drogang ecstasy.

Arestado sa operasyon ang apat na Tsinong chemist na kinilala bilang sina Guo Zixing, Tian Baoquan, Dy Hong, at Xie Jiansheng.

Huli rin ang limang Pinoy na itinuturong kasabwat ng mga Tsino sa pagpapatakbo ng laboratoryo.

Tinukoy sila bilang sina Eduardo Lorenzo, Rosaleo Cesar, Amancio Gallarde, Sonny Baguio, at Nestor Baguio.

Kinailangan pa ng interpreter ng mga nahuling Tsino na pawang tumanggi sa alegasyong paggawa ng droga.

Giit naman ng mga nahuling Pinoy, di nila alam na droga ang ginagawa roon.

Nasa kustodiya ng PDEA ang mga suspek na nakatakdang ma-inquest matapos maproseso ang mga ebidensiyang nakalap sa drug lab.

Batay naman sa intelligence report mula sa Tsina, konektado ang mga chemist sa "Golden Triangle" o ang lugar sa Asya na kilalang pugad ng mga sindikato ng drogang may operasyon sa mga bansang Myanmar, Thailand, at Laos. 

Inorganisa naman umano ang laboratoryo ng isang taga-Hong Kong.

-- Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.