Amo ni Zamboanga hero dog ‘Kabang’, pumanaw na

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 06:54 PM

Nakatakdang ilibing si Rudy Bunggal, ang amo ni hero dog Kabang sa Lunes. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY—Sumakabilang buhay na ang amo ni hero dog Kabang, Miyerkoles ng hapon.

Ayon kay Cristina Dianching, huling hinanap ng kaniyang live-in partner na si Rudy Bunggal ang alagang asong si Kabang bago tuluyang bawian ng buhay.

Gusto raw makita ni Bunggal sa huling pagkakataon sana si Kabang pero hindi ito natupad.

Naisugod pa sa ospital si Bunggal pero hindi na rin naagapan ang kaniyang kundisyon.

Sabi ni Dianching, matagal nang may sakit na asthma at tuberculosis si Bunggal. Lumala raw ang kaniyang kondisyon nitong mga nakalipas na buwan at hindi na rin ito naagapan pa sa pag-inom ng mga gamot.

Dagdag pa niya, matagal nang nasa pangangalaga ng beterinaryong si Dr. Anton Lim si Kabang. Pumayag umano si Bunggal na ibigay si Kabang sa pangangalaga ni Lim dahil maaalagaan niya ito ng husto.

Disyembre pa nang huling makita ni Bunggal si Kabang.

Masaya raw si Bunggal noong araw na iyon at panay ang yakap sa kaniyang alagang aso.

Tinutulungan naman ni Lim ang mga naiwang pamilya ni Bunggal. Siya na ang gumastos sa pagpapalibing kay Bunggal na nakatakda sa darating na Lunes.

Taong 2013 nang sumikat si Kabang na tinaguriang hero dog ng Zamboanga City. Nailigtas niya kasi ang 2 pamangkin ni Bunggal mula sa humaharurot na motorsiklo sa Vitaliano Agan Road.

Pero dahil ang aso ang nabangga ng motorsiklo, natanggal naman ang upper snout o nguso nito. Sa tulong ng ilang grupo at ni Lim ay nadala si Kabang sa Amerika para maipagamot ang kaniyang sugat sa nguso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.