Bangkay ng OFW natagpuan sa Pampanga

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 01:01 PM

ANGELES, Pampanga - Isang lalaki ang natagpuang patay sa ilalim ng isang tulay dito sa lungsod, Lunes.

Kinilala ang 22-anyos na biktima na si Junelle Lansang.

Bali ang kanang paa at may mga sugat sa mukha nang matagpuan ang biktima, sabi ng mga pulis.

Natagpuan sa crime scene ang mga personal na gamit ng biktima tulad ng cellphone at wallet, maging ang isang sanga na may bahid ng dugo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kakauwi lamang ni Lansang noong Abril 1 mula sa Dubai upang magbakasyon.

Ayon sa mga pulis, bago umano makita ang bangkay, nanggaling sa isang hotel sa Clark ang biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang mga posibleng suspek at motibo sa pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.