Sanggol na nilulunod ng ina, nailigtas ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2017 01:42 PM

MANILA - Pinarangalan ng Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes ang 3 pulis na sumagip sa isang sanggol na tinangkang lunurin sa Manila Bay ng kanyang ina na umano'y gumagamit ng droga. 

Umaga ng Huwebes nang makatanggap ng tawag ukol sa insidente ang Malate police station, dahilan para rumesponde rito sina PO2 Carolina Del Rosario, PO1 Randy Del Rosario at PO1 Arce James Saique. 

"Pagdating po namin doon, nilulublob ang bata. Ang sabi po ng guwardya doon at mga nakakita doon, 'pag tina-try po silang i-rescue o lapitan, lalo pong nilulublob ang bata," sabi ni PO2 Carolina sa isang press briefing sa Camp Crame. 

Nailigtas ng mga pulis ang bata kasabay ng pag-aresto sa kanyang ina. 

Dagdag ni PO2 Carolina, nanlumo siya sa insidente dahil naalala niya ang sariling anak sa iniligtas na sanggol. 

"Noong naiahon na po ang bata, lamig na lamig po sa damit niya kasi nabasa po. Hinubaran ko po kagad tapos binalot ng jacket ko," sabi ng pulis. 

"Kinomfort ko po siya, niyakap ko po siya na parang yakap ng isang ina. Kasi iyung tingin ko po sa bata, anak ko rin kasi baby pa lang din po ang anak ko." 

Kinasuhan na ang ina ng bata na umaming lulong sa droga. Nasa pangangalaga naman ng Department of Social Welfare and Development ang sanggol. 

Bukod sa 3 pulis, kinilala rin ng PNP ngayong Lunes ang katapangan ni PO3 Joselito Lantano, na pumigil kamakailan sa isang bus robbery sa EDSA. 

Pinuri ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang kabayanihan ng 4 na pulis. 

Anya, "Ang PNP andito para i-recognize kung anoman ang good deeds na nagagawa ninyo. I am very happy nto award yun sa inyong accomplishment... Hindi po namin kayo pababayaan." 

-- May mga ulat nina Henry Atuelan, DZMM; Maan Macapagal, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.