2 patay, 17 sugatan matapos tumagilid ang sinasakyang van sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2017 10:18 PM

Patay ang 2 tao samantalang sugatan ang 17 iba pa matapos tumagilid ang isang van sa San Mateo, Isabela.

San Mateo, Isabela -- Dalawa ang patay habang 17 ang sugatan matapos tumagilid ang kanilang sinasakyang van sa Barangay San Antonio, San Mateo, Isabela nitong Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang mga namatay na sina Veronica Salvador, 10 at Aldrin Gutierrez, 46.

Papunta umano sana ng Roxas, Isabela ang magkakamag-anak na mula pa ng San Mateo, Rizal at Quezon City nang sila ay maaksidente.

Natanggal ang tie rod na malapit sa gulong, dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber na si Eduardo Villaflor.

Tumama ang sasakyan sa street light at bumaliktad. Nagtamo ng mga sugat ang 19 na sakay, kabilang na ang drayber.

Nagpasya ang mga biktima na hindi magsampa ng kaso laban kay Villaflor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.