PAGASA: Amihan posibleng umabot hanggang Lunes

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 10:22 AM

MANILA - Inaasahang tatawid hanggang sa susunod na Linggo ang pananatili ng amihan, ayon sa weather bureau PAGASA.

Ayon kay weather forecaster Gener Quitlong, muling nagbalik ang amihan na nagdadala ng malamig na klima at inaasahang magtatagal ito hanggang Lunes o Martes.

"Pagdating ng Miyerkoles hanggang Biyernes, titingnan muna natin kung ma-meet 'yung criteria, baka sakaling puwede nang mag-terminate ng northeast monsoon o 'yung amihan," paliwanag ni Quitlong.

Dahil sa amihan, makararanas ang rehiyon ng Cagayan Valley, gayundin ang Cordillera kasama ang probinsiya ng Aurora at Quezon ng maulap na kalangitan na may pag-ulan.

Easterlies naman ang nakaaapekto ngayon sa Eastern Visayas at Caraga region kung saan magiging maulap din ang panahon at may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat.

Makararanas naman ng magandang panahon ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.

"Maaliwalas, 'yun lang medyo mainit pa rin ito kaya pagdating ng hapon o gabi maari pa rin makaranas ng isolated thunderstorm," sabi niya.

Dagdag pa niya, nagpalabas ng gale warning ang PAGASA dahil may kalakasan ang amihan at maaring umabot hanggang apat na metro ang taas ng alon.

"Ito pong baybayin ng hilagang Quezon, ipinagbabawal po ang maglayag lalo na sa maliliit na sasakyang pandagat. Napakamapanganib po 'yan sa maliliit na sasakyang pandagat," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.