Pawikan nailigtas matapos aksidenteng malambat sa Palawan

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 04:54 PM

Agad pinakawalan sa karagatan ang green sea turtle na nalambat sa Brooke's Point, Palawan nitong Miyerkoles.

Nailigtas ang isang green sea turtle matapos aksidenteng malambat sa Barangay Oring-Oring, Brooke’s Point, Palawan nitong Miyerkoles.

Base sa pagsusuri, isa itong adult size green sea turtle na may lapad na 64 centimeters at habang 67 centimeters.

Walang tinamong sugat ang pawikan at agad itong pinakawalan sa karagatan nitong Huwebes.

"In good condition naman po ang pawikan kaya pinakawalan na rin natin ito. Good thing, mabilis na nakita ito at naagapan na magkaroon ng sugat sa mga palikpik,” ani Leozel Padrigo, ecosystems management specialist.

Ayon naman sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), dumarami na ang naglalagay ng baklad sa lugar kaya hindi maiiwasang may ma-trap na pawikan lalo't breeding season na nito.

May pananagutan din ang mga mangingisda sa barangay dahil malapit sa tirahan ng mga pawikan ang inilagay nilang baklad.

Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Wildlife Act ang paghuli, pagpatay at pagbenta nang buhay-ilang gaya ng mga pawikan.

Huwebes santo nang huling may nailigtas na pawikan sa parehong lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.