Non-resident, bawal na sa Boracay simula Abril 26

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 09:32 PM

Pansamantalang gagamitin bilang access card ng mga residente sa paglabas-pasok sa Boracay ang barangay identification card kapag isinara na ang isla sa Abril 26, ayon sa Department of the Interior and Local Government.

"’Yung mga walang ID na legitimate hindi na papayagan…For the meantime ito muna ang basis and this should be validated,” ani DILG Secretary Eduardo Año.

Tiniyak ni Año na walang makakapasok na non-resident sa isla simula Abril 26.

Bawal na ring maligo sa dagat sa Boracay kapag sarado na ito at maging ang mga taga-isla ay hindi na rin papayagan.

“We are serious on this. What's the use of closing Boracay if you allow one to two persons violate. Huhulihin natin,” ani Año.

Pinulong ni Año ang pulisya at local na pamahalaan ng Malay upang ilatag ang mga plano ng ahensya.

Ayon sa DILG, may 10,000 tao ang kailangan sa clean-up. Makakatanggap ang mga ito ng minimum wage.

Ang trabaho ay i-aalok sa mga informal workers tulad ng mga masahista, bangkero, at vendor sa Boracay.

"Itong mga workers na ito pwedeng tumulong sa clean-up, demolition, at iba pang trabaho sa pagsasaayos ng Boracay,” ani

Prayoridad din ng P2 bilyong calamity fund ang 17,000 informal workers pero dadaan sa masusing proseso ang mga mabibigyan ng tulong pinansyal.

"We will look at existing parameters and apply sa situation ng Boracay...iyung validation kasi is very important,” ani Rowen Aguirre, tagapagsalita ng lokal na pamahalaan.

Sa opisyal na pahayag ng Boracay Foundation Inc. (BFI), nangako ang mga stakeholders na tutulong sa paglilinis at pagsasaayos ng Boracay.

Hihimukin din umano ng BFI ang kanilang mga miyembro na kusang magsagawa ng demolisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.