Closed van tumagilid sa EDSA Ortigas

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2017 11:50 AM

Isang closed van na may dalang mga kendi ang tumagilid at nagpasikip ng trapiko sa EDSA Ortigas. Kuha ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MANILA - Sugatan ang drayber at dalawang pahinante ng isang closed van na tumagilid sa bahagi ng EDSA northbound, pagbaba ng Ortigas Flyover, Huwebes ng umaga.

Ayon sa drayber na si Matthew Mercado, pababa siya sa Ortigas Flyover pasado alas-8:00 ng umaga nang may makita umano siyang lalaking tumatawid sa kalsada.

Para makaiwas sa aksidente, kinabig umano ni Mercado ang manibela pero nawalan din siya ng kontrol sa sasakyan at tuluyan itong tumagilid.

"Nabigla nga po ako kasi hindi niya alam kung saan siya pupunta. Tatawid e. Kaya kinabig ko na 'yung manibela ko," aniya.

Higit isang oras isinara ang bahaging ito ng EDSA dahil sa aksidente. Kuha ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Nagdulot ng pagsisikip sa trapiko ang aksidente. Halos alas-10:00 ng umaga na nang buksan muli ang bahagi ng EDSA Ortigas matapos dumating ang mga crane truck.

Binudburan ng mga tauhan ng MMDA ng kusot o sawdust ang tagas mula sa tumagilid na van para sipsipin ang langis. Kuha ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Batay sa traffic monitoring ng Metro Manila Development Authority (MMDA) bandang alas-9:19 ng umaga, umaabot ang buntot ng mabigat na trapiko hanggang EDSA Magallanes.--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News