8 sugatan sa pagsalpok ng van sa traktora sa Davao City

Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2017 10:25 PM

DAVAO CITY - Walong tao ang sugatan matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang van sa isang nakaparadang traktora sa Barangay Marilog Martes ng hapon.

Sa lakas ng pagsalpok, tumilapon ang tatlong pasahero. Agad namang nagsibabaan ang mga pasahero palabas ng van.

Ayon sa Marilog Police, posibleng nawalan ng kontrol ang drayber dahil madulas ang daan.

Ayon kay SPO1 Renard Taal, traffic investigator ng Marilog Police Station 12, accident-prone area ang lugar lalo na kung umuulan.

Nakilala ang driver ng van na isang Edward Porgarillas. May green plate ang van pero ipinasada ito papuntang Davao City.

Nalaman rin na overloaded ang van. Labindalawa lang sana ang maximum capacity nito pero 16 ang pasaherong naka sakay ng maaksidente.

Paalala naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang insurance ang mga kolorum na sasakyan. Kailangan ring may yellow plate, mga marka ng ruta at franchise details, at may taripa ang driver ng pampasaherong sasakyan.

Walo sa 16 na pasahero ang natalang nasaktan pero nakalabas rin sa ospital. 

Pinalaya rin ng mga otoridad ang drayber ng van dahil wala ni isang pasaherong nagsampa ng reklamo laban sa kanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.