PNP, handang ipaubaya ang pabahay sa Kadamay

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2017 05:13 PM | Updated as of Apr 10 2017 03:29 PM

MANILA - Handa ang Philippine National Police (PNP) na ipaubaya sa mga miyembro ng Kadamay ang pabahay sa Bulacan na ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan. 

Ayon kay Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, batid nilang iniiwasan lang ng Pangulo na magkaroon ng gulo, lalo't nagkaroon na ng tensiyon sa lugar nitong mga nakaraang linggo. 

"Ang iniiwasan po ng ating Pangulo ay magkaroon pa po ng kumprontasyon o dahas and we will follow the instructions of the Commander in Chief," ani Carlos sa isang press briefing. 

Dagdag pa ng opisyal, nagpapasalamat sila sa Pangulo sa pagtutok sa kanilang mga pangangailangan. Umaasa rin sila sa pangako ng kanilang commander-in-chief sa mas magandang pabahay.

 "We are willing to sacrifice for the benefit of iyung pong grupo na ito (Kadamay). At the end of the day, we are thankful to the President for also looking at the welfare of our police and soldiers by giving a better, bigger and comfortable [housing units] with electricity and water connection na titirhan mo na lang," aniya.

Makikipagtulungan aniya sila sa National Housing Authority (NHA) para sa proseso kapag nagsimula nang ipamigay ang pabahay sa mga miyembro ng Kadamay.

Paglilinaw naman ni Carlos, tanging pabahay lang sa Bulacan na inookupahan na ngayon ng mga miyembro ng Kadamay ang kanilang ipauubaya.

Hindi aniya rito kasama ang mga pabahay ng gobyerno para sa kanila sa Calamba, Laguna at General Trias, Cavite

"Ang sinabi ay iyung mga okupado at this time. If they will occupy other units, that's a different thing," sabi ng opisyal.

Ang pahayag ni Carlos ay tugon sa sinabi ng Pangulo nitong Martes na ibigay na lamang nila sa mga umokupang miyembro ng Kadamay ang mga pabahay na nakalaan para sa kanila. 

Kasabay ito ng pangakong bibigyan ng gobyerno ang mga sundalo at pulis ng bago at mas maayos na pabahay bago matapos ang taon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.