Briton patay sa aksidente sa Davao City

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 01:27 PM | Updated as of Apr 04 2018 01:28 PM

Naipit ang dayuhan sa naaksidenteng sasakyan at wala na itong buhay nang makuha ng mga awtoridad. Bayan Patroller Junifer Liwag

DAVAO CITY - Patay ang Briton na si William James McGrory, 59, matapos mabangga ang sinasakyan niyang kotse sa isang wing van truck sa Marilog district, Martes ng hapon.

Ayon sa Marilog Police, pagsapit sa Sitio Quimasog, nawalan ng kontrol ang dayuhan at dumiretso sa kabilang lane kaya bumangga sa kasalubong na truck na minamaneho ni Brendo Dablo.

Lumalabas sa imbestigasyon na papuntang Bukidnon ang truck habang papunta naman ng Davao City ang kotse nang mangyari ang aksidente dakong alas-3 ng hapon. 

Nakakulong sa Marilog Police Station si Dablo na haharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. 

Nasa Angel Funeral Homes sa Calinan, Davao City ang bangkay ng dayuhan.