Korapsyon, dahilan ng pagtanggal kay Sueno sa DILG–Duterte

Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2017 08:02 PM

Ismael "Mike"Sueno. Toto Lozano, Malacanang Photo/File

MANILA – Korapsyon umano ang dahilan kung bakit tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang gabinete si Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno.

May kinalaman ito sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga fire truck para sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Wala pa raw nakukuhang kapalit si Duterte kay Sueno, at itinanggi niyang ang dating senador na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang ipapalit.

“I am still scouting for another talent…He (Sueno) will have abandoned his appeal. Mabitawan niya. Wala na for all intents and purposes,” ani Duterte sa isang panayam nitong Martes.

Ang pagtanggal kay Sueno ay bahagi ng kanyang pangako sa mga Pilipino na tapusin ang korapsyon at kriminalidad sa bansa, kasama na ang pagbebenta ng iligal na droga, ani Duterte.

Inanunsyo ng Palasyo ang pagtanggal kay Sueno umaga ng Martes, matapos ang isang pagpupulong ng gabinete Lunes ng gabi, kung saan huling dumalo si Sueno bilang bahagi ng administrasyon. 

Ang desisyon ng Pangulo na tanggalin sa pwesto si Sueno ay bunsod ng reklamong iniharap ng tatlong Undersecretary ng DILG, kung saan idinawit si Sueno sa maanomalyang transaksyon. 

Tinanggap na ni Sueno ang pasya ng Pangulo, subalit itinanggi nito ang mga alegasyon laban sa kanya. 

Si Sueno, isang dating gobernador ng South Cotabato at kapartido ng Pangulo sa Partido Demokratiko Pilipino- Lakas ng Bayan, ay isa sa mga kumumbinsi kay Duterte na tumakbo sa pinakamataas na posisyon ng bansa noong nakaraang eleksyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.