4 patay sa salpukan ng bus, tricycle sa Camarines Sur

Rona Jane Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2017 06:04 AM

Apat ang patay sa salpukan ng bus at tricycle sa Barangay Ayugan, Ocampo, Camarines Sur pasado alas-8 ng gabi Martes.

Kinilala ang mga biktima na sina Dominic Brandes, Mark Patrick Nikko Molina, ang nagmamaneho ng tricycle na si Ricardo Arce, at ang kaniyang 3-taong gulang na anak na si Fredrick Ace Henry.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-overtake ang tricycle sa sinusundang trailer truck na nag-deliver ng feeds sa bayan ng Ocampo.

Minamaneho ito ni Diolito Reambonanza. 

Pero hindi niya napansin ang kasalubong na Florencia Bus na minamaneho naman ni Antonio Aguedan, Jr. 

Wala umanong ilaw ang tricycle, ayon sa bus driver.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang mga sakay nito.

Labis ang dalamhati ng mga naiwang pamilya ng mga biktima.

Kwento ng asawa ng nagmamaneho ng tricycle na si Catherine Arce, ang alam niya ay nag-inuman sa kanilang bahay ang magkakaibigan bago nangyari ang aksidente.

Nabanggit din umano ng asawang si Ricardo na pupunta sila sa kalapit na Barangay Ayugan sakay ng kanilang tricycle.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng otoridad. Nangako naman ang Florencia Bus na makikipag-ugnayan sa mga pamilya ng apat na biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.