Pamilya, pinagbabaril sa loob ng sariling bahay

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2017 08:42 PM

MANILA- Pinasok sa loob ng bahay saka pinagbabaril ang isang mag-anak sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City nitong Linggo.

Namatay sa tama sa ulo at iba't ibang parte ng katawan sina Wilma Jacinto-Liwanag alyas 'Ada', ang live-in partner niyang nakilala lamang na alyas Boy, at anak na si Aries.

Batay sa imbestigasyon, agad binaril ng 2 armadong lalaki na nakasuot ng maskara si Ada pagkabukas ng gate ng kanilang bahay sa Phase 9, Package 3.

Pumasok pa ang mga lalaki at sunod na pinagbabaril ang mga kasama sa bahay ng ginang.

Dead-on-the- spot ang 3, habang tinamaan naman sa kaliwang braso ang 5-taong gulang na apo ni Ada, na ngayon ay ginagamot pa sa Tala Hospital.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga armadong lalaki sakay ng isang motorsiklo.

Ayon kay Police Chief Insp. Ronald Cayago ng Caloocan PCP 3, kilalang drug personality ang mga napaslang at sinasabing ginagawang drug den ang kanilang tahanan.

Narecover sa bahay ang mga umanoy shabu at drug paraphernalia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.