Mga na-challenge na barko sa Benham Rise, nag-invoke ng innocent passage: Navy

Carmela Jimenez, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2017 08:45 PM

SAN FERNANDO CITY – Pagkatapos ng pagpapatrolya sa Benham Rise, dumaong na sa pier ng Poro Point sa siyudad na ito ang barkong pandigma ng Pilipinas na BRP Ramon Alcaraz FF16.

Ayon sa Philippine Navy, wala naman daw naging aberya doon.

Dumaong ang barko upang kumuha umano ng pagkain at iba pang mga pangangailangan ng 138 na miyembro ng crew, ani Commander Jeff Rene Nadugo.

“Mayroon kaming sinasabing on standby for instruction. So wherever the Naval Forces of Northern Luzon may direct us, ay susunod kami,” aniya.

Naging maayos naman daw ang 5 araw na pagpapatrolya sa Benham Rise. 

“Maganda naman yung kinalabasan ng pagpapatrolya sa Benham rise. Wala naman tayong nakasalubong na di kanais-nais. Marami rin naman tayong na-challenge na barko doon, at sila ay nag-invoke lang naman ng innocent passage,” sabi ni Nadugo.

Habang nakadaong ay ipinasilip ang loob ng barko sa mga estudyante at guro.

Ayon kay Lieutenant Commander Rodney Cudal, civil military operations officer ng Naval Forces, Northern Luzon, maganda itong pagkakataon para maipamulat sa publiko na ang Navy ay patuloy na nagbabantay sa karagatan.

Sa oras na ito ay nakaalis na ang barko sa Poro Point, at naka-standby para sa susunod na misyon.

Posible umano na bumalik ito sa Benham Rise. – with reports from Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.