P100-M 'shabu', nakumpiska sa Tondo

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2017 07:49 AM | Updated as of Apr 02 2017 10:53 AM

MANILA - Hindi bababa sa P100 milyong halaga ng hinihinalang shabu at mga armas ang nakumpiska ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa dalawang hinihinalang drug courier sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga suspek na sina Eddie Macalabo, 35 anyos, at Arvin Zapanta, 31 anyos.

Naaresto ang dalawa sa ikinasang operasyon ng NBI sa kanto ng Zaragosa at Moriones Streets kahapon.

Base sa impormasyong nakuha ng NBI, mga miyembro ng drug syndicate na nag-ooperate sa Metro Manila ang mga nahuli.

Nakuha sa kanila ang dalawampu't apat na plastic ng hinihinalang shabu.

Narecover din ang mahigit dalawampung armas, kabilang na ang M-16 rifles, calibre .45 at calibre .38 pistols, at Ingrams.

Nahaharap sina Macalabo at Zapantas sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nakatakdang iharap ng NBI sa media ang mga suspek, pati na ang mga nakumpiskang droga at armas, sa Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.