PNP: Hindi IED ang natagpuan sa bus sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 10:59 AM | Updated as of Mar 31 2017 12:05 PM

Nilinaw ng pulisya na hindi maituturing na improvised explosive device ang natagpuan umano sa isang pampasaherong bus mula Dasmariñas, Cavite patungong Maynila.

"Pag sinabi nating improvised explosive device, that should be a whole set. Hindi siya whole set e," ani Philippine National Police Spokesman Supt. Dionardo Carlos sa isang panayam sa Umagang Kay Ganda.

Dagdag ni Carlos, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.

"Ang importante ngayon dito ay matingnan kung sino yung nag-iwan, ano yung motibo, saan konektado, para makumpleto ang imbestigasyon," aniya.

Kaniya ring iginiit na walang dapat ika-alarma ang publiko sa pangyayaring ito, kahit pa nauna nang inamin ni PNP Director General Ronald dela Rosa na may presensya na ng teroristang Maute Group sa Metro Manila.

"Ang sinabi po ni Chief PNP is let us live normal lives. Wag tayong magpatakot. Ang importante ay maging alerto, maging vigilant," aniya.