3 mangingisda nailigtas sa karagatan ng Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 06:59 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Ihinatid pauwi sa Puerto Princesa ang tatlong mangingisda na nailigtas kaninang madaling araw sa karagatan ng Cabuli Island sa El Nido, Palawan.

Dalawa sa mga tripulante ang residente ng Barangay San Miguel na sina Andres Ubenza at Ryan Reyes habang mula naman sa Barangay San Pedro ang kapitan ng bangka na si Ronnie Nacional.

Ayon sa mga ito, nangingisda sila sa northern Palawan nang hampasin ng malakas na alon na bumutas sa kanilang bangka.

Nakatulong umano ang bitbit na cellphone para maipaalam sa isang kaanak sa lungsod ang kanilang sinapit.

Ayon sa Joint Task Force Malampaya na nanguna sa rescue operation, alas-otso kagabi nang matanggap ang tawag mula sa Coast Guard.

Agad silang bumuo ng search and rescue team, katuwang ang Naval Special Operation Unit at Sokol Helicopter 924 na nagsagawa ng maritime patrol.

Natagalan pa umano ang paghahanap sa mga mangingisda dahil sa hindi agad natukoy ang lokasyon ng bangka.

Maayos naman raw ang kondisyon ng mga mangingisda nang masagip ang mga ito maliban na lamang kay Reyes na nakaranas umano ng hypothermia.

Ang Western Command na rin umano ang nakipagugnayan sa mga kaanak ng mga mangingisda na sila ay ligtas na.

Ipinasuri rin ang kalusugan ng mga mangingisda para masiguro ang kanilang maayos na kalagayan bago sila pinauwi sa kani-kanilang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.