11 patay, 2 kritikal sa aksidente sa Zambales

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2017 04:25 AM

Labing-isa ang patay sa salpukan ng multicab at delivery van sa Botolan, Zambales hapon ng Huwebes. Handout photos mula sa Botolan PNP.

ZAMBALES - Labing-isa ang patay, samantalang dalawa ang kritikal ang kondisyon sa banggaan ng isang multicab at isang delivery van sa highway ng Purok 6, Barangay Carael sa Botolan, Zambales bandang alas-3 ng hapon Huwebes.

Pagmamay-ari ng Barangay Amungan sa Iba, Zambales ang nasabing multicab.

Patay agad ang pito sa 13 sakay ng multicab sa tindi ng bangaan. Dinala sa ospital ang anim pang natira, pero binawian din ng buhay ang apat pa.

Pinakahuling namatay ang isang 6-anyos bandang ala-7 ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa isang programa sa Botolan ang mga sakay ng multicab dahil tumanggap sila ng livelihood project. Pauwi na sila sa Iba nang makasalubong ang delivery van. 

Pumutok ang gulong sa harapan ng van kaya nawalan ng control at bumangga sa multicab, ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya. Sumadsad ang dalawang sasakyan ng halos 10 metro at napunta sa gilid ng kalsada.

Inabot ng halos isang oras ang rescue at retrieval sa mga bangkay at mga nakaligtas dahil sa tindi ng pagkakaipit sa mga sasakyan.

Ayon sa pulisya, sasampahan nila ang driver ng van ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious injuries, and damage to properties.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.