HULI SA CCTV: Babaeng napagkamalang kabit, ginulpi

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 11:13 AM

Sapul sa CCTV ang pananakit ng isang misis at ng kanyang 3 anak sa umano'y kabit ng kanilang padre de pamilya sa Maynila.

Nagbabantay lang ng kanyang mga paninda ang isang babaeng kinilalang si alyas Lisa kasama ang kanyang kaibigan sa Maynila pasado hatinggabi noong March 21.

Maya-maya, nilapitan sila ng tatlong babae at isang lalaki na napag-alamang mag-iina pala.

Sinipa ng isa sa mga anak ang mga paninda at pinagsasampal ang babaeng nakasuot ng asul. Pinagtulungan pa ng magkakapatid na bugbugin at sabunutan ito.

Ibinaling naman ng kanilang ina ang atensyon sa kaibigan ni Lisa. Makikitang may mga dumaan pang nagtangkang pigilan ang pambubugbog.

Ayon sa rumespondeng mga barangay tanod, maga ang dalawang mata at halos hindi na makalakad si Lisa.

Pero ang masaklap, napagkamalan lang pala ng misis na kabit ng kanyang mister si Lisa kaya nila ito sinugod.

Sa presinto na lumutang ang tunay na kabit.

Sa huli, nakipag-areglo sa biktima ang gumulping mag-iina sa halagang P15,000.

Pinaniniwalaan namang umalis na ng Maynila ang tunay na kalaguyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.