Tiket sa pagka-senador ng administrasyon, oposisyon, binubuo na

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 10:05 PM

Propesor: Malaki ang papel ng pederalismo sa halalan

Binubuo na ng oposisyon at administrasyon ang mga tiket o hanay nila ng mga kakandidatong senador para sa Halalan 2019.

Ibinunyag ni Sen. Bam Aquino na planong magtatag ng grupo ng mga kandidato ng oposisyon para sa Halalan 2019.

Wala si Aquino sa mga naunang inilutang na posibleng senatorial candidates ng PDP-Laban.

"You need a slate that’s independent from PDP-Laban, that’s willing to oppose, willing to stand up even if it’s unpopular, and even when it’s dangerous. Kailangan natin ng oposisyon para sa ating demokrasya,” ani Aquino.

Nitong Sabado, Marso 24, ikinampanya ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa pagka-senador ang nagbabalik na si Pia Cayetano at re-electionist na si Sen. Cynthia Villar.

Pero walang binanggit si Alvarez ukol sa iba pang reelectionist senators na sina Grace Poe, JV Ejercito, Nancy Binay, at Sonny Angara.

Ilang linggo na ring ikinakampanya ni Alvarez ang ilang kongresista at mga opisyal ng Malacañang tulad nina Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, Communications Assistant Secretary Mocha Uson, at Presidential Spokesperson Harry Roque.

Tiniyak ng mga lider ng PDP-Laban na bukas sa lahat ang senatorial ticket ng administrasyon pero may ilang kondisyon gaya ng pagsuporta sa administrasyon lalo na sa pederalismo.

"Ang PDP kasi, 'yung administration ngayon, ay isa sa mga talagang advocacy ng PDP ay pagpo-promote ng federalism so siguro para sa akin 'yun ay napakahalagang first requirement para masama ka sa administration slate, mapabilang ka sa hanay ng PDP kasi awkward naman pagka nasa entablado kayo na hindi kayo magkasama sa adbokasiya," ani Alvarez.

"You cannot be a member of PDP Laban, much less a candidate of the party, and not support one of its core tenets," ani Senate President at PDP President Aquilino Pimentel III.

(Hindi ka puwedeng maging miyembro ng PDP-Laban o maging kandidato ng partido kung di mo suportado ang isinusulong nito.)

Si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang may huling sabi kung sino ang 'in' at 'out' sa listahan ng PDP-Laban na malalaman bago ang filing ng kandidatura sa Oktubre.

PEDERALISMO SA HALALAN

Ayon kay UP political science professor Ranjit Rye, hindi pa sigurado kung may bilang o suporta sa Senado ang pederalismo kaya gagawin talaga itong issue sa halalan.

Sa tingin kasi ni Rye, sa dami ng gagawin ng Kongreso ngayong taon, malamang sa Enero na ang constituent assembly para sa mga susog sa Saligang Batas.

Kinumpirma rin ni Alvarez ang naturang petsa.

Dagdag ng political analyst, malaking tulong sa sinusulong na charter change ang pagkakaroon ng dalawang partido ng administrasyon, gaya ng PDP at ang bagong tatag na Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Sara Duterte. 

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.