Duterte, di puwedeng tumakbo uli kahit sa pederal na gobyerno: Puno

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 10:34 PM

Hindi papayagang muling tumakbo para sa panibagong termino si Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa tuluyang maging pederal ang porma ng gobyerno, ayon sa isang dating punong mahistrado.

Ayon kay dating Chief Justice Reynato Puno, chairman ng komiteng inatasan ng pangulo na bumalangkas ng bagong federal constitution, mananatiling anim na taon lang ang panunungkulan ni Duterte na magtatapos ang termino sa taong 2022.

"The term limit in the 1987 Constitution holds," ani Puno.

Una nang nagkasundo ang consultative committee na ipagbawal na tumakbo sa iiwang posisyon ang kamag-anak ng nakaupong politiko.

Kung masusunod ang consultative committee, di puwedeng pumalit sa pangulo si Davao City Mayor Sara Duterte na minsan nang nabanggit na posibleng kandidato sa 2022.

KALIKASAN SA KONSTITUSYON

Tingin ni Puno, malabong maratipikahan ang bagong Konstitusyon sa isang plebisito sa darating na Oktubre na target ng ilang kongresistang kaalyado ng pangulo.

"I really do not see how the month of October can be imagined as a date when the new constitution has been given to the people and ratified by the people," aniya.

Giit niya masyadong maraming trabaho ang Kongreso lalo't nakaamba ang isang impeachment trial sa Senado laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Inanunsiyo rin ni Puno na palalakasin ang mga batas para mas mapangalagaan ang kalikasan.

Panukala ng komite, ilagay na mismo sa Bill of Rights ang pangangalaga sa kapaligiran.

Mas madali na ring makadudulog sa mga korte ang sinuman na mapipinsala ng mga sumasalaula sa kapaligiran.

Mananagot din ang ahensiya ng gobyerno na nagpapabaya sa kalikasan.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.