Mga nakiisa sa Earth Hour, dumami sa VisMin; nabawasan sa Luzon: DOE

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Mar 26 2017 01:10 PM

Ilang lampara ang bumuo sa numerong '60,' na kumakatawan sa 60 minuto ng Earth Hour, sa isang pagdiriwang sa Makati City, Sabado. Romeo Ranoco, Reuters

MANILA - Tumaas ang bilang ng mga nakiisa sa Earth Hour sa Visayas at Mindanao nitong Sabado, habang bumaba naman ito sa Luzon, kung ikukumpara noong 2016, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa panamayan ng DZMM Linggo, sinabi ni DOE Undersecretary Felix William Fuentabella na 77 megawatts (MW) lamang ang load reduction o natipid na kuryente sa Luzon nitong nakaraang Earth Hour, higit na mababa sa 136 MW na natipid noong nakaraang taon.

Nangangahulugan anya itong bumagsak ng halos kalahati ang mga residente na nakiisa sa Earth Hour, o isang oras na hindi paggamit ng mga de-kuryenteng pailaw upang mabigyang pansin ang isyu ng climate change.

Gayunman, tumaas naman ang load reduction ng mga taga-Visayas sa 44 MW kumpara sa nakaraang 30 megawatts, ani Fuentabella.

Pinakamalaki naman anya ang load reduction sa Mindanao, na pumalo sa 44 MW mula sa 6 MW noong 2016.

Sa kabuuan, 165 MW ang natipid ng Pilipinas sa Earth Hour 2017, bahagyang mas mababa sa 172 MW na natipid noong nakaraang taon.

Giit ni Fuentebella, mahalaga ang Earth Hour para makita ng mga komunidad ang halaga ng pag-aalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtitipid sa kuryente.

Isa sa mga konseptong ipinapaalala ng earth hour ang "natural law on balance" o pagiging masama ng anumang kalabisan.

SLIDESHOW: Earth Hour sa iba't ibang panig ng mundo
[ http://news.abs-cbn.com/news/multimedia/slideshow/03/25/17/slideshow-earth-hour-hopes-world-sees-light-in-60-minutes-of-darkness ]