Pulis, patay sa pamamaril sa Ligao City

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 12:34 PM

Patay ang isang pulis matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang gunmen sa Ligao City, Albay, Lunes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si PO1 Ruben Payadyad Jr., 28-anyos ng Barangay Pandan.

Alas-7:40 ng gabi nang barilin ang biktimang naka-duty sa mismong sentro ng siyudad.

Ayon sa mga taong malapit sa pinangyarihan ng krimen, limang putok ng baril ang kanilang narinig.

May kasiyahan sa lugar nang mangyari ang insidente kaya agad na naka sabay sa mga tao ang suspek na nakatakas.

Ayon kay Punong Barangay Jose Romano ng Barangay Guilid, dalawa umano ang magkasama na bumaril kay Payadyad.

Sabi rin ng ibang nakakita, may tama sa paa ang isa dito ng maka ganti ng putok ang biktima.

Blangko pa ang pulisya at maging ang pamilya ng biktima sa kung sino ang responsable sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.