EXCLUSIVE: Circuit breaker ng telecom firm, sumabog; 3 sugatan

Michael Delizo, DZMM

Posted at Mar 21 2017 10:19 AM

Nasunog ang mukha at braso ng tatlong empleyado matapos sumabog ang circuit breaker ng isang malaking telecommunications firm sa Barangay Bel-Air sa Makati, Martes.

Kinilala ang mga biktima na sina Richmond Mesa, Eladio Mesa at Rudyard Galinzuga, pawang mga empleyado ng Century Property Management Inc. (CPMI) manpower agency, na siyang nangangalaga sa mechanical at electrical maintenance ng naturang telecommunications company.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Makati police, naglilipat ng electrical supply ang mga biktima sa ika-14 palapag ng tanggapan ng telco firm nang sumabog ang circuit breaker dakong ala-1 ng madaling-araw.

Nasa 480 volts na kuryente ang sumabog kahit nakapatay ang breaker.

Hanggang ngayon, bigo pa rin ang mga imbestigador ng Makati police na makipag-ugnayan sa pamunuan ng telecom.

Hinarang din umano sila ng mga security guard habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Ani PO2 John Marlou Garcia ng police Criminal Investigation Division, maaaring maharap sa kasong obstruction of justice ang pamunuan ng telco company bukod pa sa negligence resulting to serious physical injury.

Hinihinala aniya ng mga pulis na may itinatagong kapabayaan ang kumpanya kaya naaksidente ang 3 empleyado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.