Babaeng binangga ng motorsiklo, nabalian ng mga paa

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 10:04 AM

LAOAG CITY - Nabali ang magkabilang paa ng isang babae matapos mabunggo ng humaharurot na motorsiklo nitong Linggo.

Ayon sa imbestigasyon, tatawid ang biktimang si Rebecca Cañesa sa National Highway ng Barangay Camanggaan sa Laoag City nang eksaktong mabunggo ito ng motorsiklo na minaneho ni Adelmar Ramos.

"Sabi nu'ng driver 50 kph lang raw ang takbo niya at inamin naman nitong nakainom siya ng alak," sabi ni SPO2 Sean Francis Bugaoisan, Chief ng Traffic Division-Laoag City.

Depensa naman ni Ramos, iniwasan niya ang babae pero nagtuloy-tuloy pa rin ito sa pagtawid.

"Nakita ko siya at akala ko hihinto siya pero tumawid pa rin nang malapit na ako sa kanya," sabi ni Ramos.

Sinementuhan na ang magkabilang paa ng biktima.

Desidido naman ang pamilya na sampahan ito ng kasong reckless imprudence resulting to serious physical injury.