'Parang isip-bata': Piston sa pagsuspende ng Palasyo ng klase

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 10:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Binatikos ng transport group na Piston ang Malacañang nitong Martes matapos isuspende ng Palasyo ang pasok sa Metro Manila dahil sa banta umano na muling magdaraos ang grupo ng tigil-pasada.

Ayon kay Piston president George San Mateo, tila napapraning ang Palasyo.

"Walang strike ngayong araw, wala ring strike sa mga susundo na araw at mga linggo," sabi ni San Mateo sa panayam ng ABS-CBN News.

Lumilikha lang, ani San Mateo, ng pangamba ang Malacañang sa mga pasahero.

"Ginagawa nilang national security threat iyong issue [ng modernization]," ani San Mateo.

Dagdag pa ni San Mateo, mistulang isip-bata ang gobyerno.

"Parang batang nagta-tantrum at nagtitirang pikon," ani San Mateo. "'Yong gobyerno sa ilalim ni Duterte parang may infantile disorder eh... parang isip-bata."

Bandang tanghali nitong Martes nang maglabas ng abiso ang Palasyo na nagsususpende ng klase sa lahat ng antas sa Metro Manila.

Ayon sa Malacañang, may "imminent threat" o napipintong banta kasi umano kaugnay sa idinaos na tigil-pasada ng Piston nitong Lunes kontra sa modernization program ng gobyerno.

Nagbitaw rin kasi ng pahayag si San Mateo ng isa pang malawakang protesta na posibleng lumagpas ng isang araw.

"'Yan pong threats na 'yan nanggagaling kapag walang masakyan ang ating mga kabataan so iyon po ang ating iniwasan," ani Roque.

Una nang iginiit ng Malacañang na handa itong magsuspende ng pasok hanggang Biyernes, Marso 23, dahil sa mga transport strike.

Nabahala naman ang mga mag-aaral at magulang dahil sa suspensiyon.

"'Yong pagkakaalam ko parang may threat daw ang Metro Manila... wala naman," anang magulang na si Archie Cerilles.

"Hassle sa 'min kasi nakapasok na kami," sabi naman ng mag-aaral na si Liza Baal.

Naging perwisyo rin para sa ilang estudyante ang pagkansela ng klase dahil naantala ang kanilang pagkuha ng pagsusulit.

"Instead of ngayon, naging after Holy Week pa (ang exam), which is inconvenient para sa amin," anang mag-aaral na si Julius Corpuz.

Ayon kay San Mateo, posibleng sa Mayo pa ang susunod na protesta.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.