AutoSweep RFID, magagamit na sa mga toll plaza sa norte

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 10:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinalawig na sa mga toll plaza sa north ang paggamit sa AutoSweep RFID stickers, ang alternatibong paraan ng pagbayad sa mga toll plaza sa south.

Maaari nang gamitin ang AutoSweep RFID stickers ng San Miguel Infrastructure sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX), at Manila–Cavite Expressway (CAVITEX) ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).

Dati ay nagagamit lang ang AutoSweep stickers sa South Luzon Expressway (SLEX), Metro Manila Skyway, NAIA Expressway, at Muntinlupa–Cavite Expressway (MCX).

Ibig sabihin, ang mga taga-south ay maaari nang dumeretso sa mga toll plaza sa north.

"Mas maraming oras [na] enjoy kaysa sa pagpila sa NLEX," ani motoristang si Mervin Laguta.

Pero kailangan munang irehistro ang AutoSweep RFID sa mga customer care outlet ng Easytrip, tulad ng sa Balintawak, Quezon City, o Cavitex.

Hindi na rin kailangan magpalagay ng panibagong sticker.

Gumagamit ang electronic pass ng teknolohiyang radio-frequency identification (RFID) para pangasiwaan ang "cashless transaction" o ang pagbabayad nang hindi na naglalabas ng salapi sa mga toll.

Pero ang Easytrip RFID, na ginagamit sa NLEX, SCTEX, at CAVITEX ay hindi pa mababasa sa SLEX, Skyway, NAIA Expressway, at MCX.

"Iti-tweak pa ng San Miguel Infrastructure 'yong kanilang system para mabasa iyong sa Metro Pacific system," paliwanag ni Toll Regulatory Board consultant Bert Suansing.

Sa Hunyo ang target na deadline ng gobyerno para magamit ang parehong RFID sa lahat ng mga toll.

Tiniyak naman ng MPTC na gumaan na ang daloy ng trapiko, lalo at pinaluwag nila ang ilang bahagi ng NLEX noong nakaraang taon.

"Nag-increase iyong capacity ng NLEX so expected natin diyan mas mabilis na 'yong flow ng trapiko," sabi ni MPTC chief executive officer Rod Franco. 

Magdadagdag din sila ng mga serbisyo tulad ng toll collection booth at free towing o libreng paghatak sa class 1 vehicles gaya ng mga kotse, van, at jeep.

Suspendido rin ang lahat ng pagsasaayos sa mga kalsada mula Marso 23 hanggang Abril 2, kasabay ng sa Semana Santa.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.