4 ospital, inireklamong tumanggi sa naturukan ng Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 10:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagreklamo ang pamilya ng batang naturukan ng Dengvaxia matapos umanong tanggihan at itaboy ng apat na ospital sa tatlong bayan sa Cavite. 

Galit na nagbanta si Health Secretary Francisco Duque sa mga inirereklamong ospital. 

Ayon sa pamilya ng 12 anyos na si Riceza Salgo, tinanggihan umano sila ng ilang pribado at pampublikong ospital sa mga bayan ng Trece Martires, General Trias, at Dasmariñas sa Cavite.

Biglaan ang pagkamatay ni Salgo nitong Marso 6, ayon sa pamilya. 

Isang beses umano itong naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 2016.

Nitong Enero, dumugo ang ari ni Salgo hanggang sa magreklamo ng pananakit ng ulo at sumuka na ng dugo. 

Batay sa death certificate, hypovolemic o hemorrhagic shock ang ikinamatay ni Salgo. 

Nangyayari ito dahil sa pagkawala ng higit 20 porsiyento ng tubig sa katawan, kaya nahihirapan ang puso na magsuplay ng dugo sa buong katawan.

Pero nadiskubre sa autopsy ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team ang paglaki ng kanyang spleen at atay, matinding pamamaga at pagdurugo sa buong utak, at pagdurugo rin sa parehong baga.

“Mukhang ang cause of death niya ay 'yung bleeding sa brain plus the extensive bleeding in the lungs, most likely respiratory failure,” ani Dr. Erwin Erfe, direktor ng PAO Forensic Laboratory Services.

Nakadagdag pa sa hirap ng pamilya Salgo ang umano ay dinanas sa ilang mga ospital. 

Sa Pagamutan ng Dasmariñas, hindi na umano sila nabigyan ng first aid, itinaboy pa sila.

“Ang katwiran nu'ng ospital eh di daw ako botante ng Dasma,” sabi ni Rechilda Salgo, ina ng bata. 

Ayon sa pamunuan ng ospital, prayoridad talaga nila ang mga botante ng Dasmariñas pero hindi ibig sabihin nito na hindi na sila tatanggap ng mga pasyente mula sa ibang lugar.

Nais ng ospital na ituro ng pamilya kung sino ang mga staff na nagtaboy sa pasyente.

“Ikinalulungkot po namin na ito po'y nangyari, hindi po namin ito-tolerate dito na mangyari po ulit,” ani Dr. Cynthia Cristobal, hospital administrator sa Pagamutan ng Dasmariñas.

Sa inspeksiyon naman kanina ni Duque sa mga dengue at Dengvaxia fast lanes sa ilang ospital sa Malabon at Navotas, sinabi niya na iniimbestigahan na ng Department of Health Region 4 ang reklamo sa apat na ospital sa Cavite.

“Kung ang inyo pong mga tanggapan ay punong-puno ng pasyente, it still does not exempt you from giving emergency care,” ani Duque.

Nagbanta pa si Duque na maaring matanggalan ng lisensiya at accreditation sa PhilHealth ang mga ospital na lalabag.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.