Suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Ilocos Norte, nahuli na

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 12:58 AM

ILOCOS NORTE — Hawak na ng mga pulis ang suspek sa pagpatay sa 58 taong gulang na lalaki na si Prudencio Balicat ng Barangay Caroan sa bayan ng Bacarra.

Kinilala ang suspek na si Reynaldo Bungcayao, 61, at dating kapitbahay at kaibigan ng biktima.

Natagpuan noong Enero ang bangkay ni Balicat na tadtad ng saksak at pinutulan pa ng ari na itinabi sa kanyang ulo.

Inaresto ang suspek matapos mahuling nagbebenta ng granada sa isang asset ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation laban sa kanya nitong Biyernes. 

Lumalabas sa mga ebidensiya at testimonya na si Bungcayao ang suspek sa pagpatay kay Balicat.

Ayon kay Senior Inspector Grandure Tangonan, deputy chief ng Bacarra Police, may nakakita kay Bungcayao na siya mismo ang pumatay kay Balicat at ang mga ebidensiya ay may kaugnayan lahat sa kanya.

"Yung pananaksak ay may nakakita sa kanya at ang mga circumstantial evidence ay papunta at konektado sa kanya," sabi ni Tangonan.

Love triangle ang motibo sa pagpatay kay Balicat.

"Ang suspek at biktima ay dating magkaibigan at may pinag-awayan tungkol sa babae," ani Tangonan.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang.

Dagdag ni Bungcayao, nagsabay at nagkita lang sila sa isang club bago mangyari ang krimen.

Ayon sa pulisya, huli umanong nakita ang biktima sa isang videoke bar.

Haharap ng kasong murder at paglabag sa Republic Act 9165 o Illegal Possession of Explosive Device ang suspek.