Magkaibigan, patay matapos pagbabarilin sa bahay sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2017 09:36 AM | Updated as of Mar 20 2017 02:56 PM

Patay ang dalawang magkaibigan matapos pagbabarilin ng hindi bababa sa 3 naka-maskarang gunman sa isang bahay sa Caloocan.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Fernando Danilo Aquino at Edwin Malait, magkakabata at matalik na magkaibigang nagtutulak umano ng shabu at marijuana sa lugar.

Matagal na umanong nasa drugs watchlist ang magkaibigan na karamihan umano sa mga parokyano ay mga kabataan at estudyante.

"Parang ginawang pot session house 'yung bahay nila. Marami nang nagrereport tungkol sa activity ng mga biktima," ani Chief Inspector Ronald Cayago, commander ng Bagong Silang police community precinct 3.

Natutulog ang mga biktima sa bahay ni Aquino nang pagbabarilin sila ng mga suspek na tumakas sakay ng motorsiklo.

Madalas na nakikitulog sa bahay ni Aquino ang kaibigang si Malait na may polio, ayon sa kanilang mga pamilya. Pareho anilang walang trabaho ang dalawa.

Itinanggi naman ng kapatid ni Malait na si Cristina Brun na nagbebenta ito ng iligal na droga. Anya, matagal na itong nagbago.

Narekober sa loob ng bahay ang 4 na pakete ng hinihinalang shabu.

Sa harap naman ng sunod-sunod na pamamaslang sa Caloocan, iginiit ni C/Insp. Cayago na hindi nagpapabaya ang pulisya at nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga patong-patong na kaso.

-- May mga ulat ni April Rafales, ABS-CBN News; Michael Delizo, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.