Kadamay: Hindi kami pinakinggan ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2017 06:19 PM | Updated as of Mar 20 2017 07:17 PM

MANILA — Iginiit ng urban group na Kadamay nitong Lunes na sapilitan nilang inokupa ang mga umano'y nakatiwangwang na social housing units sa Bulacan dahil sa pagwawalang-bahala ng pamahalaan sa kanilang hinaing na pagkalooban ng pabahay. 

"Lagi lang naman pong 'Oo, oo.' Mukha naman pong walang naririnig . . . Puro pangako po sila," sabi ni Kadamay president Gloria Arellano sa panayam ng DZMM. 

Ani Arellano, hindi nila maintindihan kung bakit hindi na lang ibigay sa kanila ng National Housing Authority (NHA) ang nasa 5,000 bahay sa bayan ng Pandi na inokupa nila, gayong karamihan sa 53,000 housing units doon ay nakatiwangwang lamang. 

Karamihan din anya sa mga miyembro ng Kadamay ay mga dating nangungupahan din sa relokasyon o bahagi ng extended families ng mga may-ari ng housing units na gusto nang bumukod pero hindi mapagbigyan ng gobyerno. 

Ipinaliwanag naman ni NHA spokesperson Elsie Trinidad na hindi nangangahulugang wala pang nagmamay-ari sa mga bahay dahil lamang hindi pa ito okupado. 

Maaari anyang ang mga naturang units na nakita ng Kadamay ay kabilang sa pabahay para sa mga pulis at sundalo. 

Nasa 30% ng mga naturang bahay ang fully paid na, dagdag ni Trinidad. 

'WALANG FORCED EVICTION' 

Tiniyak naman ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na hindi sapilitang palalayasin ang mga miyembro ng Kadamay mula sa relocation sites. 

Sa hiwalay na panayam ng DZMM, sinabi ni Evasco na kukumbinsihin sa halip ni National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza ang mga militante na lisanin nang kusa ang lugar. 

Nangako rin si Evasco na muli niyang kakausapin si NHA general manager Marcelino Escalada na maghanap ng pondo para sa pabahay para sa grupo. 

Gayunman, hindi aniya magiging benepisyaryo ang sinumang miyembro ng Kadamay na naging recipient na ng pabahay pero pinaupahan lang o ibinenta.

Sa kabila ng mga pangako ni Evasco, naglagay na ng mga barikada ang Kadamay para mapigilan ang pagpasok ng grupong magsisilbi sa kanila ng posibleng eviction notice. 

Partikular na nilagyan ng barikadang kahoy at bakal ang Pandi Heights 2 relocation site. 

Tanging mga miyembro lamang na makapagbibigay ng ID ang pinapayagan ng grupo na makapasok sa lugar, at hindi maging ang mga mismong residente at construction workers. 

Dahil sa pag-okupa ng Kadamay, mahigit isang linggo nang natigil ang trabaho ng nasa 300 construction workers. 

Nagprotesta naman ang Metro Manila chapter ng Kadamay sa tanggapan ng NHA sa Quezon City bilang suporta sa mga kasamahan sa Bulacan. 

— May mga ulat ni Ron Lopez at Johnson Manabat, DZMM