LPA, magdadala ng malakas na ulan sa VisMin

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2017 05:16 PM

Magdadala ng katamtaman hanggang minsa'y malakas na pag-ulan ang isang low pressure area sa Northern Mindanao at Eastern Visayas simula Lunes ng umaga, ayon sa state weather bureau PAGASA. 

Sa 11 a.m. abiso Linggo, sinabi ng PAGASA na huling namataan ang LPA sa layong 800 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. 

Mababa naman ang posibilidad na maging bagyo ang naturang sama ng panahon sa loob ng 48 oras, ani PAGASA meteorologist Shiela Reyes sa panayam ng DZMM. 

Pinag-iingat anya ang mga residente ng Surigao, Leyte at Samar sa mga pagbaha at pagguho ng lupa na maaaring idulot ng sama ng panahon. 

Samantala, makakaranas naman ng kalat-kalat na pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Mindanao at Visayas simula Linggo ng gabi hanggang Lunes. 
 
Magdadala naman ng mga pag-ambon ang amihan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon. 

Dagdag ni Reyes, maaaring umiral ang amihan sa bansa hanggang sa huling linggo ng Marso habang posible magsimula ang tag-init sa Abril o Mayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.