VP Robredo nalulungkot sa paglaganap ng fake news

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2017 03:09 AM

Halos 30 minuto lang ang itinagal ni Vice President Leni Robredo sa Bicol University para personal na pasinayaan ang oathtaking ng mga opisyal at miyembro ng "MilLENIalsPH Albay." 

Ang nasabing grupo ay kinabibilangan ng mga kabataang naniniwala sa mga adbokasiya at prinsipyo ni Robredo. 

Nais umanong baguhin ng grupong ito ang talakayan sa social media na halos pekeng balita ang mas lalong kumakalat. 

Ayon kay Robredo, bilang isa sa pinakapaboritong i-bash sa social media, nakakalungkot umano na mas pinaniniwalaan ng karamihan ang malisyoso at mapanirang mga balita kaysa sa katotohanan. 

Hinikayat nya ang mga kabataan na panindigan ang katotohanan at ibalik ang dating masayang social media. 

Aniya, sa panahon ng teknolohiya, mga kabataan ang mas may kaalaman para ipalaganap ang katotohanan. 

Samantala, hindi naman nagkomento si Robredo patungkol sa rally na ginawa sa harapan ng kanyang opisina kaninang umaga.