Robredo, itinangging may kinalaman sa Duterte impeachment

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2017 12:52 PM | Updated as of Mar 18 2017 01:18 PM

NAGA CITY – Itinanggi ni Bise Presidente Leni Robredo na may kinalaman siya sa impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Robredo, wala siyang kinalaman sa inihaing complaint ng Magdalo party-list sa Kongreso kamakailan lang. Kung ito rin umano ang basehan ni House Speaker Pantaleon Alvarez para idawit ang kanyang pangalan, nilinaw na ng Magdalo group na hindi siya bahagi ng kanilang plano.

"Hindi ko narinig mismo ang statement ni Speaker Alvarez, nabasa ko lang sa social media. Pero sigurado naman ako na kung 'yung basehan niya 'yung impeachment complaint ng Magdalo group, ayon naman sa Magdalo wala akong kinalaman, hindi ako kabahagi dun. So, siguro dapat tanungin natin si Speaker Alvarez kung ano ang kaniyang basehan,” pahayag ni Robredo.

Matapos ang sunod-sunod na pambabatikos kay Robredo, nagpahayag din ang dating alkalde ng Naga City na si Sulpicio Roco sa pagkadismaya umano nito sa United Nations (UN) message ng bise presidente patungkol sa estado ng drug war at extrajudicial killings sa bansa.

Hindi na raw bago para kay Robredo ang mga kumento ni Roco, lalo na't kilala at matagal nang kalaban sa pulitika ito ng kanyang yumaong asawa na si Jesse Robredo.

"Hindi ko na lang papatulan kung si ex-mayor Roco ang nagsalita kasi matagal na siyang kalaban sa pulitika ng asawa ko," sabi ni Robredo.

Bumisita si Robredo sa barangay ng Iquin, Canaman, Camarines Sur para pangunahan ang inagurasyon at blessing ng evacuation center sa lugar.

Ang rehabilitation projects ng bise presidente sa Iquin ay nagsimula pa umano noong siya ay kongresista pa lamang ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.