LPA namataan sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2017 10:53 AM

Kasalukuyang may binabantayang low pressure area ang PAGASA. Kahit nasa labas ito ng Philippine area of responsibility ay abot umano ang extension o trough nito sa Mindanao.

Pero kahit abot ito sa Mindanao ay wala pa naman itong epekto ngayon sa panahon sa bansa, ayon kay weather forecaster Gener Quitlong.

Sabado ng umaga ay maulap ang mga rehiyon ng CARAGA at Davao, at maaaring makaranas ang mga residente dito ng pag-ulan.

Sabi ni Quitlong, inaasahan na papasok ang low pressure area sa PAR sa mga susunod na araw. Posible umano itong makaapekto sa lagay ng panahon sa Visayas at Mindanao, kung saan magdudulot ang LPA ng pag-ulan.

Maaari rin umanong maging bagyo ang LPA sa loob ng 24 hanggang 48 na oras.

Samantala, ngayong araw na ito, ang amihan o iyong northeast monsoon ay patuloy pa ring umiiral sa Luzon, at makakaapekto dito sa susunod na araw.

Habang papasok ang LPA ay hihina ang amihan. Kung sa ngayon ay umaabot ang amihan sa Southern Luzon, sa mga susunod na araw, hanggang sa Nothern Luzon na lang ito. Pagdating ng Lunes o Martes ay mawawala ito.

“Kung baga magkakaroon po ng break, easterlies po makakaapekto, medyo mainit po iyon pero sa mga susunod na araw ay muling babalik ang amihan. Iyon nga lang, sa Northern Luzon na lamang ang maapektuhan niya,” ani Quitlong.

Dahil sa amihan, ang buong Luzon kasama ang Metro Manila ay bahagyang maulap nitong Sabado. Maganda pa rin umano ang panahon, at kung may mga pag-ulan man ay mahina lang ito.

Ang buong Visayas at nalalabing bahagi ng Mindanao, maliban sa Caraga at Davao ay magiging bahagyang maulap din. Pagdating ng hapon o gabi ay maaaring makaranas ito ng isolated thunderstorms.

Samantala ang layo ng sentro ng LPA ay nasa 1,560 km silangan ng Mindanao, Sabado ng umaga.

Wala din umanong gale warning na nakataas sa ano mang parte ng Pilipinas, kaya maaaring makapaglayag ang mga mangingisda.

“Iyon nga lang dito po sa Luzon at Eastern Visayas, iyong pag-alon ng karagatan ay maari pa rin pong umabot ng 2 -3 metro, katamtaman na pag alon kayat ibayong pag iingat pa rin po,” sabi ni Quitlong.