Mga biktima ng pagbagsak ng eroplano sa Bulacan, posibleng isailalim sa DNA test

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 11:08 PM

MAYNILA—Posibleng isailalim sa DNA test ang ilan sa 10 biktima ng pagbagsak ng eroplano sa Plaridel, Bulacan nitong Sabado.

Ayon kay Boy Scalona, may-ari ng Superior Funeral Services, ito ay kung hindi tuluyang matukoy ng pamilya ng mga biktima ang kanilang pagkakakilanlan dahil sa tindi ng pagkakasunog.

Sa nasawing 5 pasaherong sakay ng eroplano, isang pamilya pa lamang ang pumunta sa punerarya.

Ayon kay Vilma Huenda, asawa ng chief mechanic ng Lite Air Express na si Romeo Huenda, nakilala niya ang kaniyang kaanak dahil sa ngipin nito.

Aniya, pupunta sana ang kaniyang asawa sa Batanes kung saan siya madedestino ngunit wala aniya siyang naikuwento tungkol sa kondisyon o kung mayroong problema sa kanilang sinasakyang eroplano.

Natukoy na ng pamilya Santos-Dela Rosa ang lahat ng kanilang kaanak na nasawi kabilang ang 3 bata, ang kanilang ina at ang kanilang lola.

Maaaring iburol na ang mga biktima Linggo ng umaga sa chapel ng Barangay Lumang Bayan kapag natapos na ang mga kinakailangang dokumento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.