3 patay sa pamamaril sa QC; bata, nadaplisan din

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 01:15 PM | Updated as of Mar 17 2018 07:10 PM

Pinasok ng dalawang salarin ang bahay ni Rex Delmonte at pinagbabaril siya at ang dalawa nilang bisita, March 16, 2018, sa Barangay Commonwealth, Quezon City. Nadaplisan din sa pamamaril ang 4 anyos na anak ni Delmonte. Isay Reyes, ABS-CBN News

MANILA – Tatlo ang patay habang sugatan naman ang isang bata matapos pagbabarilin ng dalawang di pa nakikilalang salarin sa Barangay Commonwealth sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rex Delmonte, Rhiela Agraviador at Efren Gadong. Nadaplisan naman ang 4 na taong gulang na anak ni Delmonte.

“Napakabait po niyan. Maayos naman kami makisama talaga,” ayon sa asawa ni Delmonte na si Julie Nicole.

Anim na anak ang naulila ni Delmonte.

Kumakain lamang umano sa labas ng kanilang bahay si Delmonte sa Steve Street habang ang kanilang bisitang sina Agraviador at Gadong ay nasa loob nang bigla silang pagbabarilin. Ang tatlo ay pawang mga kolektor umano ng renta sa puwesto sa Commonwealth Market.

Maging ang 12-anyos na anak ni Delmonte ay muntik na rin patayin ng salarin.

"Tinutukan po ako ng baril, pinutok-putok pero wala na pong bala. 'Yung kapatid ko po hinarangan ko pero nagulat na lang po ako na may dugo rin siya. Binalikan niya po 'yung dalawa at pinagbabaril, sa labas po binaril niya ulit si papa," sabi ng anak ng biktima.

Nagpapagaling na sa ospital ang nadaplisang anak ni Delmonte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.