Lalaking nanunog ng motorsiklo, kalaboso

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 05:20 AM | Updated as of Mar 15 2018 10:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naaresto nitong Miyerkoles ang isang lalaki na sinadyang manunog ng isang motorsiklo sa Pandacan, Maynila para mapansin ng mga magulang na ayaw siyang pautangin.

"Talagang sinadya kong sunugin iyon dahil sa bigat ng problema ko," sabi ng suspek na si Adonis Ducot.

"Gusto ko lang talagang magbago. Kaunting puhunan lang para makapaghanapbuhay, hindi pa nila (mga magulang) ibigay sa'kin." 

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagsunog ng suspek sa motorsiklo na pag-aari ng kaniyang kapitbahay.

Mabilis na tumakas si Ducot matapos silaban ang telang takip ng motor gamit ang isang lighter.

Labis ang takot ng mga residente at pulis na naroon sa pinangyarihan dahil katabi ng motor ang isang bahay at tindahan ng mga LPG.

Hinatak at tinapak-tapakan agad ng isang pulis ang umaapoy na tela habang rumesponde naman ang 2 pang pulis na may dalang mga timba at tubig.

Ilang minuto ang nakalipas bago naapula ang apoy.

Bahagyang nasunog ang motor habang wala naman naiulat na sugatan sa insidente.

Sampung beses na umanong nagpabalik-balik ng kulungan si Ducot dahil sa iba't ibang kaso.

Kasong arson naman ang haharapin ni Ducot sa pagkakataong ito.

-- Ulat nina Arra Perez at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.