Drug center para sa out-of-school youth, pinasinayaan sa QC

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Mar 15 2017 04:06 PM

MANILA - Pinasinayaan ng mga opisyal ng Quezon City Miyerkules ang kauna-unahang local government-sponsored na Special Drug Education Center (SDEC) sa bansa para sa mga out-of-school youth. 

Ayon kay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, target ng SDEC sa Batasan Hills na matulungan ang mga out of school youth na nagsisimula pa lamang mag-eksperimento sa iligal na droga pero hindi pa gaanong lulong. 

Isasalang anya ng SDEC ang mga ito sa Alternative Learning System ng Department of Education, counselling, at skills training tulad ng computer operations. 

Bibigyan ng sertipikasyon ang mga papasok sa SDEC na posibleng magamit sa pagbabalik nila sa paaralan o sa paghahanap ng trabaho 

Nilinaw naman ni Belmonte na hindi drug treatment and rehabilitation center ang SDEC, ngunit isang community-based drug rehabilitation initiative. 

Nakatakdang buksan ng Quezon City ang 3 pang SDEC sa Milagrosa, Tandang Sora, at Lagro. 

Nasa P21 milyon ang ginastos sa pagpapatayo ng bawat SDEC mula sa pondo ni dating House Speaker Sonny Belmonte. 

Naglaan naman ng P5 milyon ang lokal na pamahalaan para sa operational expenses ng mga SDEC kada taon. -- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.