Umano'y tulak arestado sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 05:23 PM

Sa kulungan ang bagsak ni alyas Gie, 30, matapos mahuli sa aktong nagbebenta ng hinihinalang shabu, Marso 13, 2018 sa Ilocos Norte. Photo courtesy of Fred Gonzales Corpuz

DINGRAS, Ilocos Norte – Huli sa akto ng pagtutulak ng ilegal na droga ang isang 30-anyos na lalaki sa isang kainan sa Barangay Madamba dito sa bayan.

“Naki-transact siya sa poseur buyer natin hanggang sa nagkita sila at nagkaabutan ng item,” ayon kay Supt. Relly Arnedo.

Martes nang maaresto sa buy-bust operation ang suspek na si alyas Gie matapos magbenta ng halagang P1,000 ng hinihinalang shabu.
 
Nakuha rin umano sa kaniya ang tatlong cellphone na gamit niya sa pakikipag-transaksiyon at mga gamit sa pagdodroga tulad ng lighter at foil.

Bagong kilalang drug suspek si Gie na taga Solsona, Ilocos Norte pero nagbebenta umano sa iba’t-ibang lugar.

“Ang monitoring natin ay nagbebenta siya sa ibang bayan,” sabi ni Arnedo.

Depensa naman ni Gie, planted ang mga ebidensiya.

“Hindi sa akin ‘yan, kinuha nila ‘yung bag ko at biglang may nakuha nang shabu,” pagtanggi ni Gie.

Nahaharap siya ngayon sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.