Tigil-pasada sa Lunes, ikinasa vs. 'phase-out'

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 07:18 PM | Updated as of Mar 14 2018 08:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muling magtitigil-pasada ang ilang jeepney driver at operator sa Lunes, Marso 19, bilang pagtutol sa jeepney modernization program ng gobyerno na anila'y nagbabalatkayong phaseout talaga ng mga jeepney.

Ayon sa transport group na Piston, sentro ng mga protesta sa Metro Manila ang Cubao at Novaliches sa Quezon City, Anda Circle sa Maynila, Monumento sa Caloocan, at Alabang sa Muntinlupa.

Magkakaroon din ng tigil-pasada sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at posible ring lumahok ang mga pumapasada ng jeepney sa Batangas.

"Sa mga public hearing na 'yan... sabi nila ife-phaseout nila ang higit 180,000 to 200,000 existing jeepney units," sabi ni Piston National President George San Mateo.

Dagdag ni San Mateo, sa ilalim ng modernisasyon ay walang patutunguhan ang mga driver at operator kundi bumili ng mga yunit na sang-ayon sa mga rekisito ng gobyerno.

"Hindi naman kasi kami puwede bumili daw ng makina na Euro 4... kailangan buong sasakyan," aniya.

Iginiit naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) member Aileen Lizada na modernisasyon ang nangyayari.

"Walang phaseout ng jeepney as a denomination. Ang inaayos natin dito ay anong klaseng jeepney ang ilalagay natin sa daanan," ani Lizada.

Dagdag ni Lizada, panay reklamo ang mga kumokontra sa modernisasyon kahit handa namang magbigay ng tulong pinansiyal ang gobyerno sa mga sasailalim sa programa.

"Ibinibigay na ng gobyerno ang lahat ng ayuda," aniya. "To say na walang ginagawa ang gobyerno, lahat ng resources ng government binibigay."

Pero ayon kay San Mateo, kapos umano ang pondo ng pamahalaan para sa modernisasyon.

"P3 billion pa lang ang nilalaan nila," ani San Mateo. "Katumbas lang noon, wala pang anim na libong yunit 'yon."

Nasa 179,663 ang bilang ng authorized jeepney na pumapasada sa buong bansa, ayon sa LTFRB.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.