Makasaysayang Redoña Residence sa Tacloban, giniba na

Melanie Bingco, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 07:38 PM

Giniba na ang makasaysayang Redoña Residence na naging tirahan ni dating Pangulong Sergio Osmeña Sr. sa Tacloban City noong dumating sa Leyte ang liberation forces noong 1944. Melanie Bingco, ABS-CBN News


TACLOBAN CITY - Giniba na ang mahigit 80-taong Redoña Residence dito na dating naging opisyal na tahanan ni Pangulong Sergio Osmeña Sr. sa Leyte.

Ayon sa City Tourism Office, ang nasabing estruktura ay isa sa mga makasaysayang bahay sa siyudad. Pinagiba ito ng pamilyang may-ari dahil sa pagkasira nito sa paglipas ng panahon. Ikinalungkot nila ang kawalan ng tulong ng gobyerno para ito mapreserba. 

Nanirahan dito si Osmeña matapos dumating sa Leyte ang liberation forces noong 1944 kung saan pansamantalang naging sentro ng pamahalaan ang probinsiya.

Madalas din itong binibisita ng mga turista lalo na tuwing pagdiriwang ng araw na nakarating sa Leyte ang mga tropang Amerikano sa pangunguna ni Gen. Douglas MacArthur at natalo ang Japanese forces na sumakop sa bansa noon. 

Kaya naman ganun na lang ang panghihinayang ng ilang mga opisyal sa ginagawang demolisyon dito.

“In tourism, the soul of any destination is the culture. You can all have sun, sea, air, etc…It can be found all over the world but only a historical event happens in one place and nobody else can claim it. It is treasure to us,” sabi ni Tourism Coordinator Norma Morante.

Nalungkot din si Rolando Borrinaga, secretary ng National Committee on Historical Research ng National Commission for Culture and the Arts.

“This is very sad,” ani Borrinaga. Dahan-dahan umanong nawawala na ang heritage structures sa lugar.

Paliwanag niya na covered ng National Heritage Act of 2009 ang Redoña Residence na nagsasabing ang mga estrukturang higit 50-taon ay dapat na i-preserba. Pero hindi umano strikto ang batas hinggil dito at walang nabibilanggo sa mga di sumusunod. 

Pero dagdag niya, wala namang sanction ang nasabing batas at tanging persuasion, negotiation at awareness building lamang ang maaring gawin para ma-preserba ang heritage structures.

Ayon naman kay Vice Mayor Jerry Yaokasin, may ordinansa ang siyudad noong 2009 na layunin din i-preserba ang heritage structures. Subalit hindi raw ito nasunod.

Sa panig naman ng may-ari ng bahay, bagama’t nilagyan ng historical marker ang kanilang bahay noong 1959, hindi pa ito pormal na idinedeklara na heritage house ng National Historical Commission.

Sumulat na sila para hingin ito pero nadismaya sa sagot noon ng NHCP.

“After 50 years, they still want us to come up with pictures, give measurement and all that. I said that is too much already. We are not alleging, because that is a fact that that is a historical spot,” sabi ni Cristina Redoña-Pablo.

Giniba na ang makasaysayang Redoña Residence na naging tirahan ni dating Pangulong Sergio Osmeña Sr. sa Tacloban City noong dumating sa Leyte ang liberation forces noong 1944. Melanie Bingco, ABS-CBN News

Dagdag pa niya, sa paglipas ng panahon, unti-unting nasira ang bahay na gawa sa kahoy lalo na matapos ang Bagyong Yolanda na tumama noong 2013.

Hindi man lamang daw ito nabigyan ng pansin ng gobyerno.

“If it is really a heritage house as they say it is, but what have they done? I think they have been remiss in their work,” sabi pa niya.

Dahil delikado na ito base na rin sa resulta ng structural inspection, nagdesisyon ang pamilya na ipagiba ang bahay. Ayon pa sa pamilya, kung mayroon mang nanghihinayang sa demolisyon ng kanilang bahay, sila iyon. 

Pero wala na raw silang magagawa. 

Ayon sa City Tourism Office, magkakaroon sila ng cultural mapping na ang layunin ay ang mapreserba ang mahahalagang bahagi ng heritage at culture ng siyudad.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.