Libreng matrikula, ipatutupad simula Hunyo sa mga pampublikong eskuwelahan at unibersidad

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Libre na ang matrikula at miscellaneous fees sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad matapos ilabas ng Commission on Higher Education ang implementing rules and regulations (IRR) para ipatupad ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017. 

Sa papasok na academic year sa Hunyo, mararamdaman na ng mga estudyante at magulang ang epekto ng pagpapatupad sa batas na nagbibigay ng libreng edukasyon.

Sa ilalim nito, wala na dapat babayarang anumang tuition at miscellaneous fees ang mga estudyante sa State Universities and Colleges (SUC) at Commission on Higher Education (CHED)-recognized Local Universities and Colleges (LUC).

Manggagaling ang pondo sa P40 bilyong inilaan ng gobyerno.

Para maging kalipikado, dapat ang estudyante ay nakapasa sa admission test ng mga SUC at LUC, wala pang college degree, at hindi "overstaying" student o lagpas na sa itinakdang panahon ng pag-aaral.

Base rin sa IRR, palalakasin ang admission ng mga tinaguriang "disadvantaged students" tulad ng Person With Disabilities (PWDs), Lumad at iba pang indigenous groups.

May subsidyong ilalaan din para sa mga mahihirap na estudyante.

Sa ilalim ng tertiary education subsidy, P40,000 kada taon ang tulong sa estudyante kung papasok siya sa pampublikong eskuwelahan at P60,000 naman kung papasok siya sa pribadong unibersidad.

Bukod sa mga SUC at LUC, libre rin ang tuition sa Technical Vocational Education and Training (TVET) sa mga pampublikong training institutions.

Kasama rito ang daily allowance ng estudyante, competency assessment, at maging ang kanilang starter tool kit, basta't kukumpletuhin nila ito at makapapasa.

Aminado ang CHED na magiging competitive lalo ang pagpasok sa mga SUC at CHED-recognized LUC.

Inaasahan din ang pagdagsa ng enrollees mula sa mga magtatapos ng senior high school.

Plano ng komisyon ngayon na magsagawa ng national information campaign para lalo pang ipaliwanag ang batas at ang IRR nito sa publiko.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.