Dalagita naputulan ng paa nang banggain ng jeep

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:50 PM

Sugatan ang isang 17-taong gulang na babae nang aksidenteng mabangga ng isang pampasaherong jeep sa bahagi ng Barangay Kumintang Ibaba sa Batangas City Martes ng hapon.

Pumunta lamang sa kaniyang eskuwelahan ang biktima para sana tapusin ang isang school requirement nang mabangga siya ng jeep na minamaneho ni Rodolfo de Castro sa may bahagi ng overpass.

Ayon sa ilang nakakita sa insidente, mabilis umano ang takbo ng jeep kaya kahit sila ay nagulat sa nangyari.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nawalan ng preno ang jeep kaya bumangga sa isa pang sasakyan at motorsiklo.

"Nawalan ng preno ang jeep kung saan nasideswipe niya 'yung kasalubong na Toyota Fortuner na sasakyan, isang Yamaha Mio at itong pedestrian na kasalukuyan siyang nakatayo sa gilid ng kalsada," paliwanag ni Senior Inspector Glenda Cleofe, chief public information officer ng Batangas City Police.

Isinugod sa ospital ang drayber na si Castro, pati ang estudyante at isang pasahero ng jeep.

Naiipit ang kanang binti ng biktima dahil sa nangyari. Kinailangan na ring putulin ang bahaging ito.

Kasalukuyang nagpapagaling ang biktima sa Batangas Medical Center.

Ikinalungkot ng pamilya ng biktima ang nangyari lalo na't isa siyang volleyball player.

"Athlete nga siya. Gusto lang niya nga maging teacher din dahil gusto niyang matulungan ang pagpapaaral," ayon sa ina ng biktima.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang pag-uusap ng pamilya Macaraig at ang panig ng operator ng jeep para sa pagpapagamot sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.